Nakikipag-ugnayan na ang Department of Health (DOH) sa mga ospital para hilinging dagdagan ang inilaang ICU beds para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases.
Ito ayon kay Health Undersecretary Leopoldo Vega ay dahil binabalewala lamang ng ilang ospital ang itinakdang minimum 30 percent ICU bed allocation para sa COVID-19 cases at sa halip ay lima o 10 porsyento lamang ang inilalaan para sa kaso ng COVID-19.
Ipinabatid ni Vega na ang mga retained hospital o health facilities na nasa ilalim ng DOH ay pinayuhan na nilang palawigin ng hanggang 60 porsyento ang inilaang ICU beds para sa COVID-19 cases.
Nagtayo na aniya sila ang command center kung saan maaaring mag-refer ang ilang ospital ng COVID-19 cases sa ibang ospital kapag puno na ang kanilang ICU bed allocation.
Sinabi pa ni Vega na dapat balansehin ang inilalaang ICU beds para sa covid at non-COVID-19 cases para naman makapag accommodate pa ng ibang pasyente ang mga ospital.