Umabot sa 100.48% o kabuuang 137,701 na sanggol sa National Capital Region (NCR) ang nabakunahan sa ilalim ng ”vax-baby-vax” campaign ng Department of Health.
Nahigitan ng nasabing bilang ang original target ng DOH na mabakunahan ang 137,000 infants sa rehiyon laban sa vaccine preventable diseases kabilang ang polio, measles, mumps, rubella, diphtheria, hepatitis B, at human papilloma virus o HPV.
Kinilala naman ng kagawaran ang mga lungsod na may pinakamaraming nabakunahang sanggol kung saan nanguna ang Maynila, na may 28,073; sinundan ng Quezon City, 23,732; at Parañaque City na may 10, 803.
Matatandaang ikinasa ang 10-day catch-up immunization campaign mula November 7 hanggang 18 na layong maproteksyunan ang mga sanggol na 12 buwang gulang pababa laban sa nasabing mga sakit.