Itinaas ng Department of Health o DOH sa “code blue alert” status ang lahat ng kanilang nasasakupang ospital at mga health facilities sa Metro Manila maging sa Central Luzon at CALABARZON.
Ayon kay Health Undersecretary Herminigildo Valle ito ay bilang pag-agapay sa 31st Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit.
Nagtalaga din ang DOH ng 150 medical teams para umalalay sa mga delagadong nangangailangan ng atensyong medical.
Ayon kay DOH Director for Health Emergency Management Services Gloria Balboa, 133 ang nakatalagang medical team sa kalakhang Maynila kung saan magaganap ang halos lahat ng aktibidad sa ASEAN habang 22 medical teams naman ang nakatalaga sa Clark International Airport.
Dagdag pa ni Balboa nanghiram pa ang DOH ng 21 high-end ambulances mula sa mga private service providers.
Mananatili ang code blue hanggang Miyerkules kung saan sa ilalim ng estadong ito ay kinakailangan na 50 porsyento ng lahat ng tauhan ng hospital ay naka-duty at handang magbigay ng atensyong medikal sa oras na kailanganin ito.
—-