Wala pang surge o pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa NCR.
Ito’y ayon kay DOH-NCR Epidemiology Director Dr. Manuel Mape II matapos na irekomenda ng OCTA research group ang pagpapatupad ng dalawang linggong circuit-breaker matapos na umangat sa 1.33 ang reproduction rate sa rehiyon.
Paliwanag pa ni Mape na hindi pa masasabing surge o pagtaas ng kaso bagamat nakikitaan ng pang-angat sa kasong naitatala sa ilang lungsod na kinabibilangan ng Las Piñas, Makati, Pasig at San Juan.
Samantala, inilabas din ng health department kung saang mga lugar natukoy ng ahensya ang 25 kaso ng delta variant:
Tig-iisang kaso sa lungsod ng Las Piñas, Makati, Malabon, Parañaque, Taguig at Quezon City.
Habang dalawang kaso naman ang naitala sa lungsod ng San Juan, pito sa Pasig, at 10 sa Maynila.
Dahil dito, nagpaalala ang DOH sa publiko na patuloy na sumunod sa umiiral na health protocols kontra COVID-19.