Nilinaw ng Department of Health (DOH) na 109 lamang mula sa 539 na iniulat na coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases nuong Huwebes ang talagang bagong kaso.
Ang iba ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ay bahagi ng backlog cases ng COVID-19 test results.
Ang mataas na bilang ng mga kasong iniulat nuong Huwebes ay resulta aniya ng natapos na validation ng laboratory results na lumabas nuon pang nakaraang linggo pero huli o late na naisumite.
Sinabi ni Vergeire na ang 109 cases ay kalalabas lamang ng resulta sa mga laboratoryo sa nakalipas na tatlong araw habang ang mahigit 400 ay pawang late cases o mga kaso na ang resulta ay lumabas na nuong nakalipas pang linggo subalit Huwebes lamang naisumite ang laboratory results.
Binigyang diin ng DOH na para maiwasan ang kalituhan sinimulan na nila ang mga pagbabago sa pag uulat ng mga bagong kaso ng COVID-19 at sa pagbibigay ng datos ay babanggitin na lamang anila kung ilan ang fresh cases.