‘Taken out of context.’
Ito ang sinabi ng Department of Health (DOH) sa naging pahayag ni vaccine expert panel o VEP chair Nina Gloriani hinggil sa tagal ng bisa na ibinibigay ng COVID-19 vaccines.
Nilinaw ng DOH na hindi binanggit ni Gloriani kung gaano tumatagal ang antibodies na nakapaloob sa bakuna.
Anila, ang ibig sabihin ng opisyal ay nagsisimulang bumaba ang antibodies sa katawan ng isang taong nakatanggap ng bakuna batay sa follow up sa clinical trials.
Kasunod nito, iginiit ng DOH na ang lahat ng bakunang ginagamit ng bansa sa ilalim ng emergency use authorization o EUA ay patuloy na pinag-aaralan kaya’t posible ang mga pagbabago hinggil sa datos na may kaugnayan sa duration of immunity o bisa ng mga ito.