Nilinaw ng Department of Health (DOH) na lima lamang at hindi anim ang mga byahero na dumaan sa India at dumating sa bansa bago ang travel ban na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa inilabas na pahayag ng DOH, nasa kabuuang 149 ang pasahero na mayroong travel history sa India mula ika-1 hanggang ika-30 ng Abril batay sa tala ng Bureau of Quarantine.
Nasa 129 dito ang mga pauwing Overseas Filipino Workers (OFWs) habang 20 ang dayuhan.
Lima sa mga ito ang nagpositibo sa COVID-19 sa RT-PCR habang 137 ang nagnegatibo, habang kinukumpirma pa ang resulta ng COVID-19 test ng pito pang byahero.
Sa mga nagpositibo, apat dito ay Pinoy habang isa ang dayuhan.