Nilinaw ng DOH na hindi pa magdedeklara ang Pilipinas na kontrolado na ang pandemya sa bansa bunsod ng COVID-19.
Ito’y taliwas sa sinabi ni NTF Medical Adviser Dr. Ted Herbosa na maaari nang ikunsiderang kontrolado na ang COVID-19 pandemic sa bansa.
Paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, wala pang katiyakan sa ngayon ang COVID situation ng bansa.
Gaya aniya ng naranasan noon na napababa ang mga kaso ngunit makalipas lamang ang ilang panahon ay tataas ulit ito.
Kaya giit ni Vergeire, kailangan pa ng mahabang panahon para ma-obserbahan at mapag-aralan ang mga datos at sitwasyon ng bansa sa gitna ng nararanasang pandemya.
Una rito, inihayag ni Health Secretary Francisco Duque, III na kumukonsulta na ang gobyerno sa World Health Organization kung maaari nang ideklara na kontrolado na ang pandemya sa Pilipinas.