Nilinaw ng DOH o Department of Health na walang lamang anumang virus ng dengue ang Dengvaxia vaccine na posibleng dahilan ng pagkakaroon ng mas malalang klase ng dengue ang mga batang naturukan nito na walang history ng nasabing sakit.
Paliwanag ni Health Undersecretary Gerardo Bayugo, tanging antigen ang laman ng Dengvaxia at walang tinatawag na attenuated o pinabait na klase ng virus na ginagamit ding panlaban sa isang partikular na sakit tulad ng Pollo.
“Wala siyang buhay or any na maski patay na virus na itinuturok doon sa bata. Ito ay antigen na ang nagiging resulta ay nagpo-produce ka ng anti-body o panlaban sa mga virus ng dengue kaya imposibleng ang bakuna ang magbigay sa iyo ng dengue.”
Kasabay nito, nananawagan ang DOH sa publiko na makipagtulungan upang tuluyang mapuksa ang mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue.
“Tulong tulong po tayo na yung sakit na dengue ay wag dumami, wag kumalat at kung pupwede ay mapuksa sa ating bansa. Yung ating pinapanawagan na 4s? Yung Search and destroy yung breeding site ng mosquito, self protection, seek early consultation at yun pong pang-apat ay say no to indiscriminate fogging.”