Pinaigting pa ng Department of Health (DOH) ang pagsusulong nito ng behavioral change o pagbabago sa ugali ng publiko gayundin ang koordinasyon nito sa local government units sa pagtugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Kasunod ito nang pag-amin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa tumataas na COVID-19 cases sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Binigyang diin ni Vergeire na puspusan ang pakikipag-ugnayan nila sa LGU’s upang magkaroon ng selective lockdowns kung kinakailangan kapag patuloy pang umakyat ang kaso ng COVID-19.
Todo suporta rin aniya ang ibinibigay ng DOH para mapataas ang kapasidad ng mga pasilidad para maging handa ang mga ito sakaling tumaas pa ang COVID-19 cases.
Kasabay nito mahigpit pa rin ang paalala ni Vergeire sa publiko na huwag maging kampante sa kabila nang pagpapaluwag sa restrictions kaya’t dapat na sundin pa rin ang minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, madalas na paghuhugas ng mga kamay at pag-obserba sa physical distancing.