Naglabas ng public health advisory ang Department of Health (DOH) kaugnay sa nangyaring pagbuga ng abo at sulfur dioxide ng Bulkang Taal, dahilan upang isailalim ito sa alert level 3 matapos ang naging pag-aalburuto nito na tinawag na “short-lived phreatomagmatic burst.”
Ayon sa DOH, maaring magdulot ng pinsala sa respiratory system at posibleng mahirapang huminga ang sinumang indibidwal na makalalanghap o ma-exposed sa sulfur dioxide.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga residente na naninirahan malapit sa bulkan na kung muli itong magpapakita ng pag-aalburuto, iwasan nang lumabas ng bahay kung wala namang importanteng pupuntahan, isara ang mga pinto at bintana, higit sa lahat laging magsuot ng facemask at protective gear na para sa mata, at tiyakin ding matatakpan ang buong katawan upang hindi direktang sumayad sa balat ang asupre na mula sa Taal.
Sakali namang ma-exposed sa sulfur dioxide, agad na makipag-ugnayan sa mga poison control centers o hospitals na malapit sa kanilang lugar.
Babala ng DOH, mapanganib ang ashfall na galing sa bulkan dahil maari itong magresulta sa pagkakaroon ng problema sa kalusugan.
Bunsod nito pinaalalahanan naman ang mga mayroong bronchitis, emphysema o asthma na iwasang ma-exposed sa volcanic ashfall.
Samantala, inirekomenda narin ng DOH ang agarang paglikas ng mga residenteng naninirahan sa mga itinuturing na high risk areas o malapit sa bulkang taal.