Inabisuhan na ng DOH ang mga ospital at iba pang medical institution na maghanda na sa posible na namang pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa gitna ng banta ng delta variant.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, dapat pang palakasin ang health system capacities upang matiyak na ma-a-accommodate ang marami pang COVID-19 cases dulot ng delta variant.
Dapat anyang dagdagan ang bed capacity, magsagawa ng inventory ng oxygen supply, i-posisyon na ang logistics tulad ng gamot at iba pang medical supplies.
Pinayuhan din ng kagawaran ang Local Government Units na paigtingin ang kanilang prevent-detect-isolate-treat-reintegrate strategies.
Una nang inihayag ng DOH na 16 na karagdagang delta variant ang naitala sa bansa kung saan isa na ang namatay sa mga ito.
Bagaman maaga pa para magdeklara ng community transmission ng Delta variant, ibinabala ni Vergeire na maaaring umatake ang nabanggit na virus saanmang lugar. —sa panulat ni Drew Nacino