Pinag-iingat ng Department of Health ang publiko laban sa iba’t ibang sakit na maaaring lumaganap ngayong panahon ng El Niño.
Binigyang diin ni Health Secretary Teodoro Herbosa na may malaking epekto ang lagay ng panahon sa kalusugan ng mga tao, kaya’t dapat aniyang mag-ingat ang publiko laban sa vector-borne diseases gaya ng dengue, at waterborne diseases tulad ng cholera.
Iginiit pa ni Sec. Herbosa na dapat na mapaghandaan ang panganib na dala ng El Niño, kaya’t kaniyang aatasan ang disaster program na tingnan ito upang kaagad na matugunan.
Ibinahagi naman ni Health Spokesperson at Undersecretary Enrique Tayag na nagkaroon ng dengue outbreak sa kasagsagan ng El Niño noong 1998.
Tuwing may El Niño aniya ay maraming nag-iigib at nag-iimbak ng tubig, kaya naman maraming water containers ang nagsisilbing ‘breeding places’ ng mga lamok.
Sinabi pa ng DOH official na naglabas na ng guidelines ang kagawaran kaugnay sa mga dapat gawin ng mga ospital ngayong may banta ng El Niño at nagbabadyang kakapusan sa supply ng tubig.
Babantayan din aniya ng kagawaran ang presyo ng mga gamot sa merkado upang matiyak na walang mananamantala sa sitwasyon.