Nasa Inter Agency Task Force (IATF) na ang desisyon kung oobligahin pa ang mga manggagawang magsuot ng face shield.
Ito ay kaugnay ng panawagan ng ilang mga manggagawa na huwag na silang obligahin pang magsuot ng face shield, at tanging face masks na lamang ang i-obligang ipasuot sa mga ito.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ‘yung mga manggagawa na nagta-trabaho sa mga industriya kung saan obligado itong magsuot ng mga industry goggles, o mga takip sa mukha hindi na nila kailangan pang gumamit ng face shield, ngunit para naman sa mga mangagawa na kabilang sa iba pang sektor ng industriya ay hawak na ng IATF ang desisyon hinggil dito.
Sinabi kasi ni ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, nahihirapan kasi ang ilang manggagawa na makapag-trabaho nang maayos dahil bukod sa may suot na silang face masks ay kailangan pa nilang mag-suot pa ng face shield.
Dahil dito, sinabi ni Vergeire nasa IATF na ang naturang desisyon at kung talagang nais ng mga grupo ng mga manggagawa na huwag na silang pagsuotin pa ng face shield ay kinakailangan nilang sumulat sa IATF.
Gayunman, muli namang iginiit ni Vergeire na mas mataas kasi ang porsyento o nasa 80% kasi ang posibilidad na hindi mahahawa sa COVID-19 ang isang indibidwal kung nakasuot ito ng face mask at face shield.