Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa mga residenteng malapit sa Bulkang Taal na mag-ingat sa abo at asupreng inilalabas ng nasabing bulkan.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, hangga’t maaari ay iwasan muna ang paglabas ng bahay kung hindi naman mahalaga ang gagawin o lakad.
Sinabi rin ni Duque na ugaliing magsuot ng face mask at mas mainam kung isasara muna ang mga bintana upang maiwasan na malanghap ang mga ibinubuga ng bulkan na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.
Payo naman ni Duque sa mga residenteng talagang malapit ang bahay sa bulkan ay lumikas na at manatili muna sa evacuation center hangga’t hindi pa tiyak ang kaligtasan sa kanilang lugar.