Inihayag ni outgoing Health Secretary Francisco Duque III na wala na sa kaniyang planong manilbihan pa sa gobyerno sakaling bumaba na sa kaniyang puwesto sa Hunyo a-30 kasabay ng pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa kalihim, mahigit 20 taon na siyang nanilbihan sa gobyerno kaya nais nalamang niyang bumalik sa kaniyang pagtuturo.
Aminado si Duque na mahirap ang kaniyang mga pinagdaanan lalo na nitong panahon ng pandemya, pero wala umano siyang pinagsisihan bilang kalihim ng DOH.
Ipinagmalaki ni Duque na mas naging mahusay ngayon ang COVID-19 situation ng bansa kumpara sa nakaraang taon kung saan, sumirit ang kaso ng nakakahawang sakit.
Sinabi ni Duque na karamihan sa mga lugar sa bansa ay nasa ilalim na ng Alert Level 1, nasa mahigit 70 milyong indibidwal narin ang fully vaccinated na kontra COVID-19, at istrikto namang tumatalima ang publiko sa ipinatutupad na health protocols ng pamahalaan, partikular na ang pagsusuot ng face mask.
Dagdag pa ni Duque, sakaling matapos na siya bilang kalihim ng DOH, kaniyang susubukang palawigin ang Universal Health Care sa Medical and Allied Medical Courses.