Muling umapela si Health Secretary Francisco Duque sa mga magulang na huwag mawalan ng tiwala sa programang bakuna ng pamahalaan.
Ito’y sa harap na rin ng kontrobersiyang nilikha ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Ayon kay Duque, hindi dapat masira ng naturang kontrobersiya ang programa dahil marami pang bakuna na garantisadong ligtas para sa mga Pilipino.
Binigyang diin pa ni Health Usec. Enrique Domingo, nagdurusa ang iba pang programang bakuna ng gubyerno dahil sa Dengvaxia gayung wala pang patunay na ito nga ang naging sanhi ng pagkasawi ng mga hinihinalang biktima pa lang nito.
Kabilang sa mga iniaalok ng gubyerno ay ang bakuna kontra bulate na naglalayong sugpuin ang mga STH o Soil Transmitted Helminths na mas kilalang intestinal worms.
Maliban dito, tuluy-tuloy din ang kampanya Kontra Tigdas na siyang lubhang kailangan ngayon ng mga taga Davao City na nasa ilalim ng outbreak.
Posted by: Robert Eugenio