Plano ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na bumalik sa kaniyang pagtuturo sakaling siya ay bumaba na sa puwesto sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Duque, kapag natapos na ang kaniyang termino ay kaniyang ipagpapatuloy ang serbisyong nasimulan pero sa pribadong sektor.
Sinabi ni Duque na magtatrabaho siya sa kanilang family-owned university sa Dagupan City, Pangasinan na Lyceum Northwestern University.
Aminado si Duque na mahirap magpatakbo ng isang malaking burukrasya tulad ng DOH dahil posibleng maharap sa napakaraming isyu ang bawat opisyal at mahalaga itong matugunan para makagawa ng epektibong solusyon at interbensyon.
Sinabi pa ng kalihim na handa siyang harapin ang posibleng mga kaso laban sa kanya sa kanyang paghawak sa krisis sa COVID-19 sa bansa.
Samantala, pinasalamatan naman ni duque si Pangulong Rodrigo Duterte maging ang mga opisyal at kawani ng DOH sa tiwala at suportang ibinigay sakaniya na pamunuan ang kagawaran ng kalusugan.