Titiyakin ng Department Of Health o DOH na magiging handa ang mga healthcare worker para agad na matukoy ang mga posibleng adverse events matapos ang pagsasagawa ng immunization.
Ito’y makaraang aprubahan sa bansa ang Emergency Use Authorization (EUA) ng Johnson & Johnson COVID-19 vaccine sa kabila ng mga napapaulat na hindi pangkaraniwang epekto nito na blood clot o pamumuo ng dugo.
Ayon kay health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kailangan dumaan sa pagsasanay ang mga health care worker para agad nilang matukoy ang mga posibleng hindi magandang epekto ng mga bakunang ito na itinurok sa mamamayan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Patuloy din naman aniya ang pag-aaral na isinasagawa ng mga eksperto sa sinasabing blood clot na hindi naman pangkaraniwang side effect ng COVID-19 vaccine.
Magugunitang pinatigil din pansamantala ang paggamit ng Astrazeneca matapos na mapaulat din ang rare blood clotting cases ng ilang naturukan nito.