Suportado ng Department of Health (DOH) ang pagpapatupad ng limang araw na face to face classes ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, patuloy na susuportahan ng kagawaran ang pagbabalik klase ng mga mag-aaral sa kabila ng mga bagong variant ng Omicron sa bansa.
Iginiit ng opisyal na ang pandemya, paghihigpit ng restriksiyon, at pagkawala ng pasok sa mga paaralan ay nagkakaroon ng epekto sa mga mag-aaral.
Dahil dito, siniguro ni Vergeire na magiging maayos ang populasyon ng bansa partikular na ang mental health ng mga kabataan.
Muli namang ipinaalala ni Vergeire sa mga mag-aaral na paigtingin ang pagpapaturok ng Covid-19 vaccines at tiyakin ang maayos na bentilasyon sa mga silid aralan.