Target ng Department of Health (DOH) na makumpleto ang pagbakuna sa 3.7 million na mga bata laban sa tigdas.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, mahigit na sa kalahati ang natapos nilang mabakunahan sa target nilang bilang.
Sinabi ni Domingo na inaasahan nilang huhupa na ang outbreak ng tigdas sa pagpasok ng Abril.
Una rito, mahigit isang libo apat na raang (1,400) bagong kaso ng tigdas ang naitala ng DOH sa loob lamang ng dalawang araw mula Marso 1 hanggang 2.
Dahil dito, umabot na sa mahigit sa labing anim na libo (16,000) ang apektado ng tigdas at inaasahang mas lalaki pa ito kapag pumasok ang mga datos mula ngayong hapon hanggang bukas.
Patay sa tigdas sa Pangasinan
Pumapalo na sa labing pito (17) ang nasawi sa sakit na tigdas sa Pangasinan.
Ang death toll, ayon kay John Lee Gacusan, program manager ng National Immunization Program ng DOH Center for Health Development sa Region 1 ay mula Enero ng taong ito at mula sa kabuuang pitong daan at dalawampu’t anim (726) na kaso ng tigdas sa rehiyon.
Ipinabatid ni Gacusan na tumaas ng halos siyam na raang (900) porsyento ang kaso ng tigdas sa Region 1 kumpara sa kaparehong panahon noong isang taon.
Sa Ilocos Region, ang Pangasinan ang nakapagtala ng pinakamataas na kaso na limandaan at walumpu’t siyam (589), sumunod ang La Union na nasa siyam napu’t siyam (99) na kaso, dalawampu’t lima (25) naman sa Ilocos Sur at labing tatlong (13) kaso sa Ilocos Norte.
Sinabi ni Gacusan na nagpadala na ang DOH ng mga nurse at doktor sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon para tumulong sa local government units sa kanilang vaccination activities lalo na sa mga nakapagtala ng mataas na kaso.
—-