Agad tatanggalin sa pamilihan ang mga suka na mapapatunayang ginamitan ng sangkap na synthetic acetic acid.
Ayon kay Health Undersecretary at Food and Drug Administration (FDA) Officer in Charge Eric Domingo, hinintay na lamang nila ang certification ng mga manufacturers ng suka kung gumamit sila ng synthetic acetic acid.
Sinuman aniya ang mapatunayan na gumamit ng synthetic acetic acid ay agad tatanggalan ng certificate of product registration upang hindi na maibenta ang kanilang produkto.
Muli ring iginiit ni Domingo na walang epekto ang synthetic acetic acid sa kalusugan kundi sa kalidad lamang ng suka.
“Pag na-test natin at nakita natin na hindi siya totoong natural kundi synthetic acetic acid, tatanggalan sila ng certificate of product registration so hindi na pwedeng ibenta ‘yun. At magkakaroon ng advisory pag nangyari po ‘yun.” Pahayag ni Usec. Domingo.