Tiniyak ng Deparment of Health na hindi magiging problema ng Philippine General Hospital (PGH) ang nararanasan nitong kakulangan ng syringe o hiringgilya sakaling dumating na ang bakuna kontra COVID-19.
Sa laging handa briefing, sinabi ni DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, na mayroon na kasi aniyang kasamang dead space syringe ang COVID-19 vaccine mula Pfizer na idedeliver sa bansa ng Covax Facility.
Kaya’t ani Vergeire hindi dapat na problemahin sa ngayon ang hiringgilya na gagamitin sa pagtuturok ng bakuna kontra COVID-19.
Pero maari aniyang ang kailangan na lamang paghandaan ay ang posibilidad na magkaroon pa ng susunod na vaccine delivery ang Pfizer.
Bunsod nito inihayag naman ng health official na may isa na sanang nakitang syringe supplier ang ahensya, yun nga lamang, may kataasan talaga aniya ang ibinigay nitong presyo at hindi kakayanin ng kanilang budget, kaya patuloy aniya ang paghahanap nila ng pupwedeng mapagkunan ng hiringgilya. —ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17)