Inihayag ng Department of Health (DOH) na kanilang sosolusyonan ang problema sa mga vaccination site na naantala sa pagbabakuna sa ilalim ng 2nd round ng bayanihan, bakunahan dahil sa bagyong Odette.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, pinag-aaralan na ng kanilang ahensya ang paglutas sa naturang problema maging ang pagkaantala sa biyahe ng mga bakuna sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao.
Sa kabila naman ng kawalan ng suplay ng kuryente sa ilang lugar, nilinaw ni Cabotaje na kayang tumagal ng mga bakuna ng hanggang dalawang araw basta hindi bubuksan ang mga freezer nito.
Kailangan din na plus-2 to plus-8 at sobra ang mga yelo na ilalagay para mapanatili ang temperatura nito.
Ayon pa sa ahensya, nasa mga lokal na pamahalaan na kung uunahin nila ang relief goods o ang limitadong shelf life ng mga bakuna.
Sa ngayon, hinihintay pa ng DOH ang report mula sa kanilang regional offices kaugnay sa mga naapektuhang medical facilities para malaman kung anong tulong ang kakailanganin sa mga apektadong lugar. –Sa panulat ni Angelica Doctolero