Wala nang backlog ang Department of Health (DOH) sa pagpapalabas ng resulta ng mga coronavirus disease 2019 (COVID-19) tests sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakapagsusumite na ng kanilang line list ang mga laboratoryo na nagsasagawa ng COVID-19 test.
Sinabi pa ni Vergeire na wala na rin silang backlogs sa validation process dahil agad na ring naisasalang sa pagsusuri at paglilinis ang mga natatanggap na impormasyon sa mga kaso ng COVID-19 ng DOH management unit.
Kasabay nito, pinaalalahanan naman ni Vergeire ang mga laboratoryo na direktang magbigay ng kopya ng resulta ng COVID-19 test sa mga kinauukulang indibiduwal at lokal na pamahalaan.
Sa pinakahuling tala ng DOH kahapon, umaabot na sa 194,252 ang bilang ng kumpirmadong kaso sa buong bansa.