Pinabulaanan ng Department of Health (DOH) na may kaso ng MERS-CoV sa Bacolod City.
Ipinagdiinan ng DOH na nananatiling MERS-CoV free ang Pilipinas.
Ang pahayag ay ginawa ni DOH Spokesman Dr. Lyndon Lee-Suy matapos kumalat sa social media na mayroon umanong MERS-CoV ang 22-anyos na Koreano na dumating sa Bacolod City noong Hunyo 26.
Sinabi ni Lee-Suy na sa katunayan, walang lagnat ang nasabing Koreano at naka-isolate ito sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital.
Inaantay pa ang resulta ng swab test ng pasyente mula sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM na siyang magkukumpirma kung positibo nga ba ito sa MERS-CoV.
By Meann Tanbio | Aya Yupangco (Patrol 5)