Planong atasan ng Department of Justice (DOJ) ang Bureau of Immigration (BI) na maglabas ng Look out Bulletin Order laban sa mga akusado sa Percy Lapid Slay Case.
Kasunod ito ng isinampang kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) laban kina suspended Bureau of Corrections (BuCor) dir. gen. Gerald Bantag at Senior Jail Officer 2, Ricardo Zulueta.
Nahaharap sina Bantag at Zulueta sa dalawang magkahiwalay na murder complaint para sa pagpatay sa batikang radio broadcaster-commentator na si Percival “Percy Lapid” Mabasa at kinilalang middleman na si Cristito Villamor Palaña o mas kilala bilang si Jun Villamor.
Ayon kay Justice secretary Jesus Crispin Remulla, layunin ng lookout order na mamonitor ang mga aktibidad nina Bantag at Zulueta sakaling magtangka ang mga ito na tumakas o mangibang bansa.