Aminado ang Department of Justice (DOJ) na hirap pa rin nilang tukuyin ang pinagtataguan ni National Bilibid Prison (NBP) Deputy Officer, Supt. Ricardo Zulueta, na sangkot sa pagpatay sa batikang broadcaster-commentator na si Percival “Percy Lapid” Mabasa at sa umano’y “middleman” na si Jun Villamor.
Ayon kay Justice secretary Jesus Crispin Remulla, nito lamang isang linggo, ibinigay na sa kanila ang mga impormasyon sa mga lugar na posibleng pinagtataguan ni Zulueta na nahaharap sa kasong Murder dahil sa krimen.
Sa kabila nito, kumpiyansa si Remulla, na nasa Pilipinas pa rin si Zulueta, maging si suspended BuCor chief Gen. Gerald Bantag na nakatanggap ng subpoena kamakailan.