Pinaiimbestigahan na sa Department of Justice (DOJ), Philippine National Police (PNP) at Commission on Elections (COMELEC) ang napaulat na karahasan na may kaugnayan sa halalan sa Maragondon, Cavite nitong sabado.
Batay sa ulat, nakita ng grupo ni mayorial candidate Noel Rillo na isa umanong sasakyan na may mga blinker ang nakaparada sa harap ng bahay ni Barangay Chairman Eric Acosta Sa Barangay Bucal 3 dahilan upang magpasyang bumaba sa sinasakyan ang mga ito.
Agad namang nakilala ni Acosta ang grupo ni rillo sa labas ng kanyang bahay at sinabing nagtataka rin siya kung sino ang nagmamay-ari ng sasakyan at kung sino ang nakasakay at doon nga umano bumaba sa sasakyan ang body guard ni mayorial candidate Lawrence “Umbe” Arca na si Roel Bidbid.
Habang inutusan naman umano ni arca ang isa pang body guard nito na si Rodrigo Tanagras na barilin na ang mga ito dahilan upang kumuha ng armalite rifle si Tanagras, at itinutok ito kina Rillo at Dr. Efren A. Rillo napigilan ng kandidatong si Rillo ang baril na nahulog sa lupa, agad naman umanong tumakas ang grupo ni Arca.
Matatandaang batay sa tala ng DOJ sinampahan si Arca sa pagpatay kay Trece Martires City Vice Mayor Alexander Lubigan noong 2018 at kalaunan ay itinuro si Arca bilang utak sa pagpatay kay Lubigan. – sa panulat ni Tina Nolasco