Umapela na ang pamunuan ng Eternal Gardens sa Department of Justice at Philippine National Police na imbestigahan ang paspasang pag-aresto nang walang warrant at pagsasampa ng kaso sa kanilang dalawang empleyado.
Nag-ugat ito sa reklamo ng isang city prosecutor ng Batangas dahil sa umano’y nawawalang lapida.
Ayon kay Atty. Christian Castillo, abogado ng Eternal Gardens, bigo silang makakuha ng mga dokumento noong Sabado sa pulisya para sa kanilang depensa dahil off duty ang may hawak ng kaso.
Nagulat anya at hindi makapaniwala ang mga empleyadong sina alyas ‘Arnel’ at ‘Maris’ na inaakusahan ng pagnanakaw ng lapida ng isang piskal matapos kasuhan at ikulong noong Biyernes kahit wala silang mga abogado.
Magugunitang bumisita ang piskal sa puntod ng kanyang ama sa Eternal Gardens at nadiskubreng nawawala ang lapida noong Oktubre a-trese.
Una nang inihayag ng Batangas City Police, umaksyon lamang sila alinsunod sa reklamo na kanilang mandato at mayroon umanong batayan ang pagsasagawa ng warrantless arrest sa dalawang empleyado ng himlayan.
Itinanggi naman ng Eternal Gardens-Batangas, na pagnanakaw ang nangyari dahil bahagi ng paglilinis ng sementeryo ang pag-aalis ng nakakalat lamang na mga lapida dahil mayroon ng bagong ipinalit dito.