Binaligtad ng Department Of Justice ang dalawang ruling kaugnay ng qualified theft na isinampa laban sa negosyante at incoming 1-Pacman Partylist Rep. Michael Romero.
Nagpasya si Acting Justice Secretary Emmanuel Caparas na baligtarin ang naunang ruling nina dating Justice Undersecretary Leah Armamento sa naging desisyon nito sa petition for review, at Senior Assistant State Prosecutor Susan Dacanay sa kanyang kapasidad bilang Acting City Prosecutor ng Quezon City, at inirekomenda na makasuhan si Romero at ang iba pang opisyal ng Harbour Centre Port Terminal Incorporated o HCPTI ng 8 counts ng qualified theft.
May kinalaman ang kaso sa reklamong qualified theft through falsification of commercial documents na inihain ng kampo ng ama ni Romero na si Reghis laban kina Michael Romero na Presidente at Chief Executive Officer ng Harbour Centre Port Terminal Incorporated; Edwin Jeremillo, HCPTI Chief Operating Officer For Administration at Edwin Joseph Galvez, HCPTI Chief Finance Officer.
Partikular na nagdesisyon si Caparas sa motion for reconsideration na inihain ng complainant laban sa desisyon ni Armamento sa kanilang petition for review.
Ang kaso ay kaugnay sa 8 tseke na nagkakahalaga ng mahigit 17.9 Million Pesos na inisyu ng kampo ng mga respondent sa ngalan ng HCPTI bilang kabayaran sa advanced payment na ginawa ni Romero para sa kumpanya at iba pang corporate expenses.
Ayon sa resolusyon na pinonente mismo ni Caparas, nabigo ang kampo ng mga respondent na patunayan na ang mga kinukwestiyong tseke ay bilang kabayaran sa lehitimong gastusin ng kumpanya.
Ang 17.9 Million Pesos ay hindi umano personal na pera ng mga respondent kundi ng HCPTI na isang korporasyon at may hiwalay na juridical personality kaya nakapagtataka na ang nakapangalan sa mga tseke ay sina Romero at Galvez.
By: Meann Tanbio