Mananatili at makapagpapatuloy pa rin sa kanyang missionary works ang Australian missionary na si Sister Patricia Fox.
Ito’y matapos ipawalang bisa ng Department of Justice ang forfeiture missionary visa order ng Bureau of Immigration and Deportation laban sa kaniya.
Batay sa naging resolusyon ni Justice Secretary Menardo Guevarra, bagama’t siya ay pabor sa naging panuntunan ng Immigration na isang prebilihiyo ang pagkakaroon ng visa, hindi pa rin aniya tama na basta na lamang itong bawiin ng walang legal na batayan.
Paliwanag pa ni Guevarra, hindi maaaring gumawa ng panibagong panuntunan ang Immigration upang mabawi lamang ang ipinagkaloob nilang missionary visa kay Fox.
Kaugnay nito, inatasan ng kalihim ang Immigration na linawin kung ang inirereklamo ba laban kay Fox at mga ebidensyang isinumite ay para sa kanselasyon ng visa ng madre.
Kahapon na lamang sana ang huling araw ng pananatili sa bansa ni Fox kung hindi nabaliktad ang naturang kautasan ng Immigration na nagpaalis sa kaniya sa bansa sa loob ng tatlumpung araw.
Makabayan Bloc pinapurihan ang desisyon ng DOJ
Pinapurihan ng grupong Makabayan Bloc ang naging desisyon ng Department of Justice na baliktarin ang desisyon ng Bureau Immigration kaugnay sa kanselasyon ng Missionary Visa ng Australyanang Madre na si Sister Patricia Fox.
Ayon kay Makabayan Bloc Partylist Rep. Carlos Zarate, isang welcome development ang naging pasyang ito ni Justice Secretary Menardo Guevarra lalo’t walang nagpapakita ng matibay na ebidensya para paalisin ng bansa si Fox.
Sinabi ni Zarate na dahil sa desisyong ito ay makakapagpatuloy muli si Fox sa kaniyang pagtulong sa mga Lumad at sa iba pang mga mahihirap sa Mindanao.
—-