Hiniling ngayon ng Department of Justice (DOJ) na magsagawa ng special raffle ang Legazpi Regional Trial Court (RTC) hinggil sa mga isinampang kaso laban kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo.
Ginawa ng DOJ ang panawagan matapos na makansela umano noong Biyernes, Abril 5 ang raffle para malaman kung kanino mapupunta ang inihaing two counts of murder at six counts ng frustrated murder laban kay Baldo at anim pa nitong kasabwat.
Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra, hindi umano dumating ang executive judge ng Legazpi RTC kayat kinansela ang raffle at muli sanang itinakda sa huwebes ng susunod na linggo.
Ngunit para hindi na umano ito umabot next week, iminungkahi ng DOJ na magkaroon na ng special raffle bukas, araw ng Lunes.
Magugunitang si Mayor Baldo ang itinuturong “mastermind” sa pagpatay kay Rep. Rodel Batocabe at escort/bodyguard nito na si Police Officer Orlando Diaz noong December 22, 2018.