Iimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang kaso ng isang bagong panganak na babae na nasawi matapos umano tanggihang gamutin ng anim na ospital.
Ito ang tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque, alinsunod na rin aniya sa naunang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga ospital na tumatanggi sa mga pasyente.
Ayon kay Roque, titiyakin ng pamahalaan na mananagot at makukulong ang lahat ng mga doktor at may-ari ng mga ospital na mapatutunayang naging sanhi ng pagkamatay ng nabanggit na pasyente.
Batay sa impormasyon mula sa pamilya ng nasawing pasyente na si Catherine Bulatao, naisilang pa nito ang anak sa kanilang tahanan sa Caloocan City sa tulong ng isang kumadrona.
Gayunman, kinailangan itong isugod sa ospital para malapatan ng medikal na tulong dahil sa kumplikasyon matapos na hindi lumabas ang inunan ng bata.
Dahil dito, dinala si Bulatao sa North Caloocan Doctor Hospital, Far Eastern University Hospital sa Quezon City, Bermudex Hospital, Skyline Hospital at Grace Hospital kung saan pawang tinanggihan ang pasyente.
Tanging ang San Jose Del Monte General Hospital sa Bulacan ang tumanggap sa pasyente pero idineklara na itong dead on arrival.