Ipa-sa-subpoena na ng mga Prosecutor ng Department of Justice si suspended Bureau of Corrections Director Gerald Bantag at ilan pang sangkot umano sa pagpatay sa broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa at bilanggong si Cristito “Jun” Villamor Palana.
Ayon kay DOJ Senior Assistant State Prosecutor Charlie Guhit, nakatakdang ilabas ngayong araw ang subpoena, na hudyat nang pagsisimula ng preliminary investigation sa mga reklamong Murder na isinampa laban kina Bantag.
Kabilang din si BuCor Deputy Security Officer Ricardo Zulueta sa “Principals by Inducement” sa pagpatay kay Lapid at Palana na bilanggo mula sa New Bilibid Prison, Muntinlupa City na nagsilbi umanong “middleman” sa pagpaslang sa mamamahayag.
Bukod sa kanila, “Principals by Indispensable Cooperation” naman ang mga bilanggong sina Denver Batungbakal Mayores, Alvin Cornista Labra, Aldrin Micosa Galicia at Alfie Penaredonda.
Samantala, sa pagpatay kay Palano, “Principals by Direct Participation” ang mga presong sina Christian Dizon Ramac, Ricky Lamigo Salgado, Ronnie Pabustan Dela Cruz at Joel Alog Reyes.
I-ko-consolidate naman ang dalawang Murder Complaints sa reklamong inihain ng PNP noong October 18 laban sa self-confessed gunman na si Joel Escorial at apat nitong kasabwat na sina Edmon at Israel Dimaculangan, isang alyas “Orly” o “Orlando” at Christopher Bacoto, na inmate sa Bureau of Jail Management and Penology.