Tututukan ng Department of Justice (DOJ) ang mga hakbangin upang ma-decongest o mapaluwag ang mga piitan sa bansa na nasa pangangasiwa ng Bureau of Corrections (BUCOR).
Sa ginanap na Laging Handa Briefing, inihayag ni DOJ Spokesperson Atty. Mico Clavano, na lumalabas sa hawak na datos ni Justice Sec. Boying Remulla, umaabot na sa 300% ang congestion rate ng mga bilangguan sa bansa.
Ito aniya ang dahilan kaya’t binabalak na ng kanilang ahensya na ilipat sa Sablayan Prison sa Occidental Mindoro ang Maximum Security Compound habang sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija naman ang minimum security.
Napag alaman na aabot sa 26,000 ang mga nakapiit sa New Bilibid Prison (NBP), na ang kapasidad ay nasa 6,000 preso lamang.
Patunay ito na hindi na talaga aniya maganda ang sitwasyon ng mga Person Deprived of Liberty o mga pdl sa loob mg bilangguan.
Bunsod nito, inihayag ni Clavano na nagpatulong na sila sa Public Attorney’s Office (PAO) upang mabigyan ng assistance ang mga naglalakad ng parole para sa kanilang mga nakabilanggong kaanak. – sa ulat ni Jopel Pelenio (Patrol 17)