Mariing itinanggi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na inalok umano nila ang miyembro ng Aegis Juris Fraternity na si John Paul Solano na isailalim sa WPP o Witness Protection Program.
Ito’y makaraang lumabas ang balitang tumanggi ang kampo ni Solano na magpasailalim sa naturang programa ng pamahalaan kaugnay sa kaso ng hazing victim at UST Law freshman student na si Horacio “Atio” Castillo III.
Gayunman, nilinaw ni Aguirre na bukas pa rin ang DOJ na isailalim sa WPP si Solano sakaling hingin ito sa kanila gayundin sa iba pang mga may nalalaman sa nasabing kaso.
Una rito, inihayag ng abogado ni Solano na si Atty. Paterno Esmaquel na hindi nila kailangan ang anumang immunity dahil kaya nilang patunayan na inosente ang kaniyang kliyente sa krimen.
—-