Nagpalabas ng bagong patakaran ang Department of Justice (DOJ) hinggil sa itinakdang bagong time frame sa desisyon, kautusan, at resolusyon ng Bureau of Immigrations laban sa mga ipinade-deport na mga dayuhan.
Ayon kay Justice Undersecretary Markk Perete, sa ilalim ng bagong rules, kinakailangang ipatupad ang deportation order laban sa hinatulang dayuhan sa loob ng 30 araw matapos ang promulgation.
Maliban na lamang aniya kung pipigilan o ipapawalang bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang deportation orders.
Dagdag ni Perete, maaari rin lamang magsimula ang proseso sa apela ng dayuhang ipinatatapon palabas ng bansa sa paghahain nito ng abiso sa Office of the Justice Secretary sa loob ng 15 araw matapos matanggap ang desisyon o resolusyon.
Kasunod nito mabibigyan naman aniya ng karagdagang 15 araw ang umaapelang dayuhan para makapaghain ng appeal memorandum.