Muling naghain ng drug importation case ang Department of Justice (DOJ) laban sa siyam (9) na indibidwal na sangkot sa 6.4 bilyong pisong halaga ng shabu shipment mula China na nakalusot sa Bureau of Customs (BOC) noong Mayo ng nakaraang taon.
Kasong paglabag sa Section 4 at Section 26-a ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang inihain ng mga state prosecutor sa Manila Regional Trial Court (RTC).
Ito’y makaraang tuluyang ibasura ng Valenzuela City RTC ang kaso dahil sa kakulangan ng hurisdiksyon.
Kabilang sa kinasuhan ang mga customs fixer na sina Mark Ruben Taguba at Teejay Marcellana; Philippine Hongfei Logistics Group of Companies Chairman Chen Ju Long alyas Richard Tan o Richard Chen at negosyanteng si Dong Yi Shen Xi alyas Kenneth Dong.
Iginiit ng DOJ na nagampanan na ng Valenzuela court ang hurisdiksyon nito sa kaso nang ipag-utos ang isang ocular inspection sa shabu shipment noong Nobyembre 24, 2017.
Hindi anila ginawa ang krimen sa Maynila lalo’t hindi naman nadetermina na mga iligal na droga ang nilalaman ng kontrabando.