Sinampahan ng panibagong kaso ng Department of Justice (DOJ) ang mga respondent kaugnay sa paglusot ng 6.4 na bilyong pisong halaga ng shabu shipment mula sa China.
Sa inihaing resolusyon sa Valenzuela City Regional Trial Court (RTC), ipinagharap ng DOJ ng kasong paglabag sa Section 5 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act o Transportation and Delivery of Dangerous Drugs ang mga may–ari ng warehouse kung saan nadiskubre ang mahigit animnaraang (600) kilo ng shabu na sina Chen Ju Long alyas Richard Tan at Richard Chen.
Dawit din sa kaso ang negosyanteng si Dong Yi Shen alyas Kenneth Dong; customs fixer na si Mark Ruben Taguba; customs broker na si Teejay Marcellana; at iba pang sangkot sa nasabing isyu.
Bukod pa ito sa nauna nang kaso na isinampa ng DOJ sa Manila RTC.
Matatandaang inilipat ng DOJ sa Manila RTC ang kasong drug importation laban sa mga nabanggit na respondents makaraang ibasura ng Valenzuela RTC ang isinampang kaso ng DOJ.