Nagtalaga na ang Department of Justice o DOJ ng bagong piskal na hahawak sa kaso ng dinukot na negosyanteng Koreano sa Angeles City, Pampanga.
Itinalaga ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre si Senior Assistant State Prosecutor Olivia Torrevillas na siyang didinig sa kasong isinampa ng PNP-Anti Kidnapping Group laban kina SPO3 Ricky Sta. Isabel et al kaugnay ng pagdukot sa Koreanong si Jee Ick Joo.
Inatasan din ni Aguirre si Assistant State Prosecutor Loverhette Jeffrey Villordon na ibigay kay Torrevillas ang mga rekord ng kaso.
Una rito, nag-inhibit ang orihinal na piskal na humahawak ng kaso na si Assistant State Prosecutor Hjalmar Quintana makaraang maghain ng motion for inhibition ang kampo ng respondent na pulis.
Tiniyak naman ni Aguirre ang mabilis na pag-usad ng reklamong kidnapping at serious illegal detention na inihain ng pnp-akg laban sa mga respondent.
DOJ nakatakdang magpalabas ng immigration lookout bulletin order vs sa mga suspek
Nakatakdang magpalabas ang Department of Justice ng immigration lookout bulletin order laban sa mga suspek sa pagdukot sa isang Korean National.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Maliban kay SPO3 Ricky Sta. Isabel, may 7 pang indibidwal na isinasangklot sa pagdukot kay Jee Ick-Joo.
Si Jee ay dinukot noong October 18, 2016 sa bahay nito sa Angeles City, Pampanga.
By: Meann Tanbio / Bert Mozo