Nakahanda si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na idepensa ang naging desisyon ng DOJ na ibasura ang kasong isinampa ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA laban kina dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon at iba pang BOC officials.
Kaugnay ito ng pagkakapuslit ng mahigit 6 bilyong pisong halaga ng shabu sa bansa.
Ayon ni Aguirre, nakabatay ang desisyon ng DOJ panel of prosecutors sa mga ebidensiyang inihain sa kanila.
Aniya, hindi nila maikukunsidera ang mga nakuhang ebidensya ng Senado sa isinagawa nitong imbestigasyon sa isyu kung hindi naman ito nakarating sa kanila.
Iginiit pa ni Aguirre na nasa panimulang hakbang pa lamang sila ng imbestigasyon at sa katunayan ay hindi pa niya nababasa ang kabuuan ng resolusyong ipinalabas ng National Prosecution Service.
Dagdag ni Aguirre, maaari pang magsumite ng Motion for Reconsideration ang mga complainant at maghain ng mga karagdagang ebidensiya laban sa mga naabsweltong akusado.
—-