Wala pa ring konkretong report ang fact finding panel ng DOJ-NBI kung sino ang mga dapat managot sa pagkamatay ng Special Action Force (SAF) 44.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source ng DWIZ Patrol, hanggang sa ngayon ay wala pa ring naisumiteng report ang panel kay Justice Secretary Leila de Lima kaugnay ng kanilang isinasagawang imbestigasyon sa naturang insidente.
Sinasabing hindi pa rin makatungo ang panel sa lugar kung saan naganap ang masaker dahil wala pa ring green light mula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) upang makausap at makuhanan ng salaysay ang ilang testigo sa lugar kaugnay ng naganap na pag-masaker sa SAF 44.
Matatandaang kaagad na bumuo ng fact-finding team si de Lima kung saan binigyan nito ang panel ng 60 araw noong kasagsagan ng insidente para makapagpalabas ng resolution o report sa kanilang isasagawang imbestigasyon.
Subalit bago magpaso ang naturang petsa ay humirit ang panel ng panibagong 30 araw na pinagbigyan naman ng kalihim.
By Meann Tanbio | Bert Mozo (Patrol 3)