Inatasan na ng Department of Justice o DOJ ang National Bureau of Investigation o NBI na imbestigahan ang procurement ng Department of Health o DOH sa 3.5 billion pesos na halaga ng dengue vaccine sa ilalim ng dating administrasyon.
Ito ay matapos matuklasang posibleng makapagdulot ng severe dengue ang dengue vaccine na dengvaxia sa mga binakunahang wala namang history ng sakit na dengue.
Sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre, layon ng kanilang imbestigasyon na matukoy kung nagkaroon ba ng iregularidad at kapabayaan sa panig ng mga dating opisyal na responsable sa pagbili ng naturang bakuna.
“Syempre kapag nagkaroon ng ganitong imbestigasyon unang-una tama ba ang pag-order kaagad ng ganitong karaming vaccine na worth P3.5 billion na naturukan agad ang 733,000 children, tama ba ito? Kahit apat na buwan pa lang na nama-manufacture ito at nagkaroon ng go signal at nagkaroon ng parang warning ang Sanofi Pasteur sa government officials, kaya ang susunod na tanong, naiparating ba ito sa karamihan ng nasa DOH, kung ang warning ng Sanofi ay naibigay at kung naibigay ito ba ay ipinatupad?” Ani Aguirre
Samantala, nanawagan naman si Aguirre sa mga magulang na may anak na nabakunahan ng dengvaxia na lumapit sa NBI kung may masamang epektong naidulot ang naturang dengue vaccine.
“So come forward to us, give information to the NBI, help the NBI para matuloy natin at matulungan ang ating mga gobyerno at kung ano ang gagawin, dapat malaman natin kung ano ang nangyari, lalo yung may adverse effect sa mga batang nabakunahan na kung hindi ka pa pala nagkakasakit ng dengue ay nakakasama sayo.” Pahayag ni Aguirre
—-