Palaisipan para kay Senate President Koko Pimentel ang naging batayan ng Department of Justice upang isailalim sa Witness Protection Program o WPP ang umano’y pork barrel fund scam queen na si Janet Napoles.
Ayon kay Pimentel, napaka-imposible ng naging pasya ng DOJ na gawing state witness si Napoles gayong ito ang “pinaka-guilty” sa kaso.
Hindi pwede ang most guilty ang ating papakawalan para mahuli natin at makulong ang lesser guilty. Kalimutan na ‘yang least guilty, ang tingnan natin ay ‘yung most guilty. Kasi hindi pwede na pakawalan mo ‘yung most guilty para magtestigo at maipakulong ang lesser guilty sa kaso, hindi maaari iyon. Pahayag ni Pimentel
Kung mayroon aniyang kasunduan sa pagitan ng gobyerno at ng kampo ni Napoles ay dapat magpaliwanag ang DOJ partikular si Secretary Vitaliano Aguirre.
Sino ba ang yumaman ng katakot-takot at napakaraming properties diyan sa mga exclusive subdivisions dahil lamang sa pakikipag-deal diyan sa PDAF, so ayun ang most guilty o isa sa mga most guilty sa kaso. Naririnig ko ‘yung abogado [ni Napoles] na nagbabanggit ng ibang kaso.. eh ngayon meron ka ng life sentence dito sa PDAF, anong deal ng gobyerno ngayon sa’yo? Anong totoong usapan? Kasi ang usapan ay PDAF, kalimutan na ng DOJ yan kasi nga imposible dahil hindi siya qualified. Paliwanag ni Pimentel