Pinakikilos na ng DOJ o Department of Justice ang NBI o National Bureau of Investigation para imbestigahan ang di umano’y planong terrorist plot sa ilang bahagi ng Northern Luzon.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, makikipagtulungan ang NBI sa iba pang intelligence agency ng bansa para alamin ang mga detalye ng sinasabing terror threat na tumatarget sa mga simbahan sa norte.
Nagmula anya ang report sa alert memo na pinalabas ng intelligence unit ng Armed Forces of the Philippines Northern Luzon Command sa planong pag atake sa ilang crusader city at crusader churches sa rehiyon.
Tinatawag na crusader city o churches ng IS o Islamic State ang target nitong mga lugar para sa gagawing religious war.
Kasama sa mga tinukoy sa memo ay ang Laoag City sa Ilocos Norte, Vigan City sa Ilocos Sur, Manaoag, Pangasinan at Tuguegarao City sa Cagayan.