Nakatakdang tumulak ang composite team ng binuong Task Force PhilHealth sa punong tanggapan ng ahensya sa Pasig City sa susunod na linggo.
Ito’y ayon kay Department of Justice (DOJ) Spokesman Usec. Mark Perete ay upang magsagawa ang composite team ng validation at inventory sa mga dokumento ng ahensya na isinumite sa kanila.
Binigyang diin ni Perete, bahagi aniya ito ng kanilang proseso ng pangangalap ng ebidensya sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng DOJ hinggil sa mga katiwalian sa PhilHealth.
Sa panig ng PhilHealth, tiniyak ng nagbitiw na PhilHealth President na si retired B/Gen. Ricardo Morales na haharap pa rin siya sa mga ipatatawag na pagdinig upang sagutin ang mga paratang laban sa kaniya.
Dahil dito, sinabi ni Perete na posibleng lumagpas na sa September 14 deadline bago nila maibigay kay Pangulong Rodrigo Duterte ang komprehensibo at kumpletong ulat hinggil sa mga anomalya sa PhilHealth.