Nakatakdang makipagkita si Justice secretary Jesus Crispin Remulla kay United Nations Special Rapporteur Mama Fatima Singhateh sa susunod na linggo.
Bahagi ito ng ginagawang assessment ni Singhateh hinggil sa mga aksyon ng pamahalaan upang masugpo ang mga kaso ng Sale and Sexual Exploitation ng mga bata sa Pilipinas.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) spokesperson Mico Clavano, na kanyang inimbitahan ang UN Special Rapporteur na bumisita sa tanggapan ng kalihim sa darating na Miyerkules, December 7, 2022.
Pahayag ni Clavano, asahan nang personal na pasasalamatan ng kalihim si Singhateh dahil sa pagbisita nito sa bansa.
Nakahanda rin aniya si Remulla na sagutin ang lahat ng katanungan ni UN Representative matapos sa gagawin nitong pag-iikot sa iba’t-ibang lokal na pamahalaan.
Naniniwala ang tagapagsalita ng DOJ, na higit na mapaiigting ng pagbisitang ito ni Singhateh ang momentum ng mga ikinakasang hakbangin ng ahensya upang matuldukan ang lumalalang kaso ng Online Sexual Abuse and Exploitation ng mga kabataan.