Nais isama ni House Speaker Pantaleon Alvarez si DOJ o Department of Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa line-up ng PDP Laban sa pagka-Senador para sa 2019 mid – term elections.
Ayon kay Alvarez, handa siyang suportahan si Aguirre dahil naniniwala siyang malaki ang maitutulong nito para sa mabilis na pagpasa ng mga batas sa Senado na una na niyang binansagang mabagal na kapulungan.
Nakatakda aniya nitong konsultahin si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa bagay na ito bagama’t una nang inihayag ni Senate President Koko Pimentel na hindi pa pinal ang kanilang Senatorial line up.
Maliban kay Aguirre, ikinukonsidera rin sa line up ng PDP Laban sina Presidential Political Adviser at dating MMDA Chairman Francis Tolentino, Negros Rep. Albee Benitez, Davao Rep. Karlo Nograles at Bataan Rep. Geraldin Roman.
Una nang inanunsyo ni Alvarez na kabilang rin sa kanilang listahan sina Communications Asst/Sec. Mocha Uson at Presidential Spokesman Harry Roque na kapwa naglabas ng paglilinaw na wala silang balak na tumakbo sa pagka-Senador.