Sisimulan na ng DOJ o Department of Justice ang extradition process sa Pilipinong doktor na si Russel Salic matapos akusahan ng tangkang pag-atake sa New York, USA noong Mayo ng nakaraang taon.
Ito ang tiniyak ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre kasunod ng kahilingan ng estados unidos sa pamahalaan na ma-extradite si Salic para sa kinakaharap na kaso.
Ayon kay Aguirre, may proseso na sinusunod ang Pilipinas sa pag-extradite ng kriminal at nagawa na rin aniya ito noon.
Unang naaresto si Salic dito sa bansa noong Abril dahil sa pagkakasangkot sa kasong kidnapping at pagpatay sa dalawang trabahador ng isang kumpanya ng troso.
Si Salic ay sinasabing kabilang sa mga nagplano ng isang napigilang terrorist attack sa New York City noong 2016.
Batay sa mga nakuhang ebidensya mula sa dalawa nitong kasamahan na sina Albulrahman el Bahnasawy at Talha Haroon, si Salic ang sinasabing nagpadala ng pondo sa dalawa para ipambili ng mga pampapasabog.